Friday, December 16, 2011

Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS)


Ang AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome) ang sukdulan at pinakamalubhang yugto ng sakit na dulot ng HIV (human immunodeficiency virus) na nagiging sanhi ng mapanganib at malubhang pinsala sa sistema ng panlaban sa sakit ng tao (immune system). Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, ang AIDS ay nagsisimula kapag ang isang tao na may impeksiyon ng HIV ay may CD4 na bilang ng selula na mababa sa 200. Ang CD4 na selula ay tinatatawag na “T-cells” o “helper cells” na pananggalang sa sakit. Lumilitaw ang AIDS kapag naubos ang panlaban sa sakit ang tao at lumitaw ang sakit na dulot ng impeksiyon.

Mga Sanhi

Ang AIDS ay ang ikalimang sanhi ng kamatayan ng mga taong nasa edad 25–44 sa Estados Unidos kung ihahambing sa Filipinas na napakaliit na porsiyento lamang ang apektado ng sakit na ito. Humigit-kumulang sa 25 tao sa buong mundo ang namatay sa AIDS simula pa nang pumutok ang epidemyang ito. Tinatayang 40.3 milyon na tao sa buong mundo ang ngayon ay namumuhay na may AIDS virus.

Ang Human Immunodeficiency Virus (HIV) ang sanhi ng AIDS. Ang virus ay umaatake sa sistema ng panlaban sa sakit ng tao, at pinahihina ang katawan nito kaya madaling kumapit ang iba't ibang impeksiyon at kanser.

Ang karaniwang bakterya, parasito, at mikrobyo—na hindi nagiging dahilan ng malalang pagkakasakit sa mga taong may malusog na sistema ng pananggalang sa sakit— ay maaaring maging sanhi ng pagkamatay ng mga taong nahawa ng HIV.

Ang HIV ay sinasabing matatagpuan sa laway at luha; sa himaymay ng sistema sa nerbiyos at katas sa gulugod; sa dugo, tamod, at hima (vaginal fluid); at sa gatas na nagmumula sa suso. Gayunpaman, sinasabing tanging ang dugo, semilya, hima, at gatas ng ina ang siyang makapagdudulot ng impeksyon sa iba.
Paano kumakalat ang HIV?

* Mula sa pakikipagtalik—kasama na rito ang pagsupsop sa titi o puke, at pagpasok ng titi sa puwit;
* Mula sa dugo—kapag naisalin sa tao ang dugo na may HIV o ang nasabing tao ay nakikipaghiraman ng karayon na itinurok sa ibang tao na may HIV;
* Mula sa ina papunta sa kaniyang anak-—Ang buntis ay maaaring maisalin ang virus sa sanggol na nasa kaniyang sinapupunan dahil iisa ang dinadaluyan ng dugo sa kanilang katawan. Maaari din namang ang isang nagpapasusong ina ay maisalin sa anak ang virus sa pamamagitan ng gatas.

Ang iba pang dahilan ng pagkakahawa sa AIDS ay ang aksidenteng matusok ng karayom mula sa hirenggilyang ginamit ng may impeksiyon sa AIDS; ang pagpupunlang artipisyal na may semilyang ibinigay bilang donasyon; at ang pagsasalin ng organ ng tao sa ibang tao.

Ang impeksiyon na dala ng HIV ay hindi nakahahawa, gaya sa sumusunod na paraan: pagyakap, paghawak, , pakikilahok sa palakasan, o kaya ay kagat ng lamok.

Hindi rin naisasalin ang AIDS sa isang taong nagbigay ng kanyang dugo bilang donasyon o ng anumang bahagi ng kanyang katawan. Ang sinumang nagbigay ng organ ng kaniyang katawan ay walang direktang kontak sa taong tumanggap nito. Gayundin kapag ang taong nagbigay ng kaniyang dugo ay walang kontak sa taong tumanggap ng kaniyang dugo. Sa prosesong ito, ang ginagamit na mga karayom at instrumento ay pinakukuluan sa tubig upang matiyak na esterilisado.

Gayunpaman, ang HIV ay maaaring mailipat ng taong tumanggap ng dugo o anumang bahagi ng katawan mula sa isang donor na may impeksiyon. Ito ang dahilan kung bakit ang mga blood bank ay idinadaan sa mahipit na pagsusuri ang kanilang mga donor.

Ang mga taong higit na nasa panganib na mahawa ng AIDS ay ang sumusunod:

* ang mga taong may nakikipagtalik nang walang kondom o iba pang proteksiyon;
* ang nakikipagtalik sa puwitan (anal sex);
* ang mga adik sa droga at naghihiraman ng karayom;
* mga sanggol na ipinapanganak na ang mga ina ay hindi dumaan sa paggagamot sa impeksiyong dulot ng HIV habang nagbubuntis;
* mga taong nasalinan ng dugo mulang 1977 hanggang 1985 (bago nagkaroon ng pagsisimula ng mga pamantayan sa pagsusuri ng mikrobyo sa dugo)

Ang AIDS ay nagsisimula sa impeksiyon mula sa HIV. Amg mga taong may HIV ay maaaring walang sintomas sa loob ng 10 taon o mahigit pa. Ngunit maaari nilang mailipat ang impeksiyon sa iba sa panahon na wala silang nararamdaman o nakikitang sintomas ng AIDS sa kanilang katawan. Kapag ang ang impeksiyon ay hindi nakita at nagamot, ang humihina ang panlaban sa sakit ng tao atunti-unting tumitindi ang AIDS.
Sintomas ng AIDS

Pangunahing sintomas ng AIDS ang resulta ng mga impeksiyon na hindi normal na nabubuo sa mga taong may malusog na panlaban sa sakit.

Ang panlaban sa sakit ng mga pasyenteng may HIV ay nauubos ng naturang virus kaya lumilitaw ang sari-saring impeksiyon. Karaniwan nang sintomas ang paglalagnat, pamamawis (lalo pagdating ng gabi), pamamaga ng glandula, panginginig, pagiging mahina, at pagbaba ng timbang.

Ang pagsisimula ng impeksiyon ng HIV ay maaaring walang ipinapakitang anumang sintomas. Karamihan sa mga may impeksiyon ng AIDS ay makararanas ng senyales na gaya ng lagnat, singaw ng balat, masakit na lalamunan, at namamagang kulani. Karaniwan na itong tumatagal nang dalawang linggo matapos na makuha ang mikrobyo. Ang iba naman na may impeksiyon ng HIV ay nananatiling walang sintomas sa loob ng maraming taon mula nang mahawa.


Mga Indikasyon at Pagsusuri

Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga sakit na may kaugnayan sa impeksiyon sa AIDS at kanser na maaaring makuha kapag bumaba ang bilang ng CD4. Ang AIDS ang yugto na mababa ang bilang ng CD4 kahit na walang ibang sakit na lumilitaw sa katawan ng tao. Ang iba pang sakit na maaaring danasin ng taong may AIDS ang sumusunod:


Mga pangkaraniwang sakit kapag mas mababa ang bilang ng CD4 sa 350 selula/mililitro:

* Herpes simplex virus, na nagdudulot ng ulser sa bibig o sa ari, na higit na madalas at malubha sa isang pasyenteng may HIV .
* Tuberkulosis, ang impeksiyon na dala ng mikrobyo ng tuberkulosis na lubhang nakaaapekto sa baga, ngunit maaari ding makaapekto sa iba pang bahagi ng katawan, gaya ng bituka, puso, utak, tadyang, o central nervous system;
* Oral o vaginal thrush, ang singaw na dulot na yeast infection sa bibig o titi o puke;
* Herpes zoster (shingles), ang ulser o singaw sa balat na sanhi ng varicella zoster virus;
* Non-Hodgkins lymphoma, ang kanser ng kulani;
* Kaposis's sarcoma, ang kanser ng balat, baga, at bituka, na may kasamang herpes virus (HHv-8). Maaari itong makita sa CD4 count, ngunit mas inaasahan sa mababang CD4 counts. Ito ay mas karaniwan sa lalaki kaysa babae.

Mga karaniwang sakit kapag mababa ang bilang ng CD4 sa 200 selula/mililitro:

* Pneumocystis carinii pneumonia, “PCP pneumonia,” na may katawagang Pneumocystic jiroveci pneumonia;
* Candida esophagitis, na makirot na yeast infection ng lalamunan;
* Bacillary angiomatosis, ang pagputok ng iba't ibang sugat na sanhi ng bakterya na tinatawag na Bartonella. Kadalasang nakukuha mula sa kalmot ng pusa

Mga karaniwang sakit kapag mababa ang bilang ng CD4 sa 100 selula/mililitro:

* Cryptococcal meningitis, na yeast infection sa rabaw ng utak;
* AIDS dementia, ang pagkalimot at pagbagal ng pag-iisip;
* Toxoplasmosis encephalitis, ang impeksiyon ng utak na sanhi ng parasitiko , na madalas na nakikita sa cat feces; nagiging sanhi ng discrete lesions sa utak
* Progressive multifocal leukoencephalopathy, ang uri ng sakit na sanhi ng JC virus, at nagpapahina sa funsiyon ng pag-iisip at kilos ng tao;
* Wasting syndrome, ang malabis na pagbaba ng timbang at pagkawala ng gana na sanhi ng HIV;
* Cryptosporidium diarrhea, ang malalang pagtatae na sanhi ng ilan sa magkakaugnay na parasito.

Mga karaniwang sakit bumaba ang bilang ng CD4 sa 50 selula/mililitro:

* Mycobacterium avium , ang impeksiyon sa dugo na sanhi ng bacterium na may kaugnayan sa tuberkulosis;
* Cytomegalovirus infection , ang isang impeksiyong dulot ng virus na maaaring makaapekto sa kahit na anong maselang bahagi ng katawan o sistema, lalong-lalo na sa bituka at mata.

Mahalaga rin ang regular na vaginal pap smear upang masubaybayan ang impeksiyon sa HIV. Mataas ang panganib ng magkakanser sa cervix ang may HIV. Ang anal pap smear ay kailangan din upang malaman kung may posibilidad ng kanser ang lalaki at babae nahawa ng HIV.


Paggamot

Walang nakagagamot sa AIDS sa ngayon. Subalit may iba't ibang uri ng paggamot na maaaring magamit upang maantala ang paglaganap ng virus sa loob ng maraming taon at mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga taong may sintomas ng pagkakaroon ng AIDS.

Ang Antiretrovial therapy ay sumusugpo sa paglala ng HIV virus sa katawan. Ang kumbinasyon ng iba't ibang antiretroviral agents na sinasabing may mataas at aktibong antiretroviral therapy (HAART) ay sinasabing epektibo sa pagpapababa ng bilang ng HIV particles sa pagdaloy ng dugo na sinusukat sa tinatawag na viral road. Maaari itong makatulong sa sistema ng panlaban sa sakit ng tao at mapataas ang bilang ng T-cells.

Ang paggamot na gingamit ang HAART ay may kasamang mga kumplikasyon. Ang HAART ay koleksiyon ng iba't ibang uri ng gamot, na may di-inaasahang epekto sa katawan. Ilan sa mga ito ang pagkahilo, sakit ng ulo, panlalambot, at pag-iimbak ng taba sa likod at sa tiyan. Kapag ginamit nang matagalan, ang mga gamot na ito ay nakapagpapataas ng panganib ng atake sa puso dahil pinalalaki nito ang antas ng lipids at glucose.

Ang iba pang antiviral agents ay nasa estado pa ng pagtuklas at marami pang uri ng gamot ang sa kasalukuyan ay nasa proseso ng masusing pag-aaral.
Mga komplikasyon

Kapag ang sistema ng panlaban sa sakit ay masidhing napinsala, magkakaroon ng AIDS ang pasyente, at madaling tablan ng iba pang impeksiyon at kanser. Gayunman, sinasabing ang antiretroviral na paggamot ay maaaring maging epektibo, kahit na sa estado ng ganoong uri ng pagkakasakit.
Paghadlang sa AIDS

* Hangga't maiiwasan ay huwag gumamit ng drogang itinuturok. Kapag gumamit nito, huwag ng karayom o hirenggilya.
* Umiwas sa matalsikan ng dugo ng ibang tao kapag ang estado ng HIV ng taong may pagdurugo ay hindi pa nalalaman. Gumamit ng proteksiyon gaya ng damit, maskara, guwantes, o salaming pang-proteksiyon sakali't may taong maysakit na inyong gagamutin.
* Ang sinuman na napatunayang positibo sa HIV ay maaaring maisalin o mahawaan ang iba kaya't hindi siya maaaring magbigay ng kaniyang dugo, plasma, organ, at semilya. Ang isang taong may impeksiyon ng HIV ay nararapat lamang na balaan ang sinuman na kaniyang makakatalik tungkol sa kaniyang pagiging positibo sa HIV. Hindi siya maaaring makipagpalitan ng body fluids kung mayron mang sekswal na aktibidades. Ipinapayo na gumamit ng proteksiyon, gaya ng paggamit ng kondom.
* Ang mga babaing positibo sa HIV na nais na magbuntis ay nararapat na humingi ng tulong mula sa awtoridad nang mapangalagaan ang sanggol na ipagbubuntis. Kinakailangan ding siya ay mabigyan ng pagpapayong medikal kung ano ang nararapat gawin upang hindi mahawa ang sanggol na kaniyang dinadala. Ang tamang pagagagamot ay maaaring makatulong upang mabawasan ang panganib na ang sanggol ay mahawa ng HIV sa panahon ng pagbubuntis.
* Ang mga ina na napatunayang positibo sa HIV ay ipinagbabawal na pasusuhin niya ang sanggol.
* Ang tinatawag na “safe-sex practices,” gaya nang paggamit ng kondom ay mabisa upang mapigil ang pagkalat ng HIV. Gayunman, may panganib na mahawa sa impeksiyon kahit na gumamit ng kondom, kapag ang nabutas iyon. Ang pagtigil o ang pag-iwas sa pakikipagtalik ay tinatayang siyang pinakamabisang paraan upang maiwasang mahawa sa HIV.

Ang pinakamapanganib na paraan ng pakikikarát ay pakikipagkarat nang walang kondom sa puwitan. Samantala, ang hindi gaanong mapanganib na paraan ng pakikipagtalik ay pagsupsop sa titi o puke. Ang paglilipat ng HIV ng babae sa lalaki ay hindi gaano ang peligro kaysa paglilipat ng impeksiyon na galing sa lalaki tungo sa babae. Kapag nakipag-oral sex sa isang babae sa panahong hindi siya nagreregla ay tinatayang mas mababa ang panganib ng pagkahawa ng HIV.
Paghingi ng suporta at tulong

Ipinapayo na kumonsulta sa doktor kapag may panganib na mahawa ng HIV o kaya'y lumilitaw ang mga sintomas ng AIDS. Ayon sa batas, ang pagsusuri sa kaso ng AIDS ay nararapat na maging lihim. Ikaw at ang iyong doktor lamang ang nararapat na mag-usap tungkol sa resulta ng mga gagawing pag-eeksamen sa iyo.

No comments:

Post a Comment